Si Jay Pie, halos dalawang taon ng stranded sa Pinas at 'di makapunta sa SoKor.
Si Honorio Diocton, dating factory worker sa South Korea na nakansela ang kontrata dahil sa travel restrictions patungong SoKor.
Si Alvin Mercado, Pinoy factory worker na stranded sa Pilipinas na labis ang panghihinayang sa trabaho sa SoKor.
Nananawagan sa gobyerno ang ilang Pinoy worker na nakatakdang magtrabaho sa South Korea, na payagan na silang makaalis dahil mahigit isang taon na silang walang pinagkukunan ng kabuhayan habang stranded sa Pilipinas.
Si Jay Pie, isang factory worker sa SoKor, ang apat na buwang bakasyon lamang sana niya sa Pilipinas noong bumalik siya ng Pebrero 2020, ngayon inabot na siya ng halos dalawang taon na stranded at hindi makabalik sa trabaho.
...na-comply na namin lahat ng documents (namin)…June 30 po yata ‘yun, and then nag-lockdown po sa Manila. Pagkatapos po nun, wala na po kaming update na nakuha galing sa POEA,” sabi ni Jay Pie.
Government-to-government ang sistema ng pagpasok ni Jay Pie sa SoKor at dahil hindi siya umalis sa kanyang employer sa loob ng halos limang taon, kabilang na siya sa mga tinatawag na 'sincere' worker na maaaring makabalik ng Korea sakaling matapos na ang kontrata. Kaya’t dasal niya na makabalik na siya sa Korea at maipagpatuloy ang naiwang trabaho sa manufacturing company.
“...'yung expenses namin po hindi naman namin nakontrol gawa nang nag-e-expect po kami na makakabalik po kami kaagad. Sana po tulungan po kami ng mga nasa gobyerno, at saka mabigyan po kami ng atensyon. Ang tagal na po naming stranded dito sa Pilipinas,” panawagan ni Jay Pie.
Ayon sa POEA, umabot na sa animnapu’t tatlo ang kontratang kinansela ng employers mula Korea habang higit siyamnaraang visa na naproseso na ng mga employer ang inabutan naman ng expiration. Dahil dito, nalalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga 'sincere worker' gaya ni Jay Pie at kabilang sa apektado ang mga factory worker din na sina Honorio Diocton at Alvin Mercado.
“Sa mahigrit isang taon naming paghihintay, pagiging stranded po dito sa bansang Pilipinas, kinansela na po ng aming employer ang aming mga kontrata… dahil po sa epekto na COVID-19 pandemic na hindi naman namin ginusto lahat na mangyari ito,” ani Honorio.
Labis na kalungkutan ang aming nararamdaman dahil nagtiis po ako ng mahabang panahon para maging sincere worker...sana magkaroon ng pagpupulong ang Pilipinas at South Korea,” nanghihinayang na sambit ni Alvin.
Ayon sa POEA, hinihiling pa nilang magkaroon ng exemption sa mga OFW sa ipinatutupad na travel ban ng South Korea.
Umaasa pa rin sina Jay Pie, Honorio at Alvin na makapagtrabaho sa South Korea para sa kanilang pamilya.
Source Credit:https://news.abs-cbn.com/overseas/07/22/21/stranded-ofws-sa-pinas-umaapelang-makapagtrabaho-na-sa-sokor